On Jeepney Phaseout

 Last year, may sinimulan tayong serye ng post tungkol sa crushie na palaging nakasasabay sa jeep. Pero gaya nang maraming bagay na pampersonal na hindi nagagawa ng pobreng guro tulad natin dahil sa daming kailangang gawin para raw pataasin ang kalidad ng edukasyon sa Filipins nang wala namang nagaganap na pagtaas ng sahod para sa mga guro, hindi na ito na ituloy.

Pero okey na rin yatang nawalan na rin ako nang time na ipagpatuloy pa ito kasi si crushie, may crushie na yatang iba. Nakita kong may paflowers nung valentines. Saka siguro, para hindi sad ang ending ng #dyipniserye dahil wala na namang jeep na maaaring mamasada ng kuwento sa bandang huli.

Iniisip ko kung may kuwento pa kaya akong mabubuo kapag nagmodern PUV na. 

I mean, may ate pa kayang may mahaba at basang buhok na hindi marunong magtali ng buhok kaya halos lahat ng lisa, nakain mo na? Puwede ba ang kandungan sa modern PUV? Puwede bang mag 1, 2, 3 sa PUV? Paano ang amoy ng mamang amoy-pawis at ateng galing palengke, aircon ang modern PUV, makukulob. Puwede ko bang arkilahin ang modern PUV kapag nag-outing ang barangay? Puwede ko bang isakay sa modern PUV ang mga kahoy na sinibak namin? Makararating ba ang modern PUV sa kasulok-sulukan naming lugar? 

I mean ulit, kasama sa bawat pagbiahe ng jeep ang kuwento at kulturang Pilipino. At kasabay ng planong pagpephaseout ng jeep ay ang pagpephaseout rin ng kuwento at kulturang ipinapasada nito. 

Madalas, ang bahaging ito ng buhay ang hindi isinasaalang-alang ng ilang nasa poder—na siyang mahalagang bagay sana na marinig para sana maunawaan ang mariing pagtutol ng mga tsuper at komyuter rito, upang makagawa sila ng paraan para mapagkompromise ang pangangailangan protektahan ang kalikasan, ang pangangailangan sa modernisasyon at pagiging efficient ng transport system nang hindi aaray ang bayan (puwera na lang kung ang modernisasyon ng PUV ay istratehiya lamang ng gobyerno tungo sa pagbibigay ng lalo pang kapangyarihan sa mga kompanya at korporasyong mas may kakayahang mamudmod ng kuwalta sa mga nasa poder).

Dito sa Ilocos, sa batogko a langit, walang tigil-pasada. Pero talagang pahirapan ang jeep.

 Paano natin mamomodernisa ang sistema ng transportasyon sa Filipins kung may ilang pang lugar ang hindi pa nakapageevolve ng maayos na transportasyon? 

Ibig bang sabihin, sa planong modernisasyon, mayroon na namang maiiwan?

Gaya ko?

ems.

Kung katulad kitang naghihintay pa rin ng masasakyan, heto ang links sa ilang #dyipniserye na naishare ko rito sa fb, try mo lang basahin. 

Saka sana, Mabasa rin ni crushie.

Kahit mayroon na siyang iba.

Ems.


Comments